Belmonte at ibang LP members, pupunta kay Duterte ngayong araw

 

Inquirer file photo

Nakatakda nang pumunta sa Davao City sina House Speaker Feliciano Belmonte Jr. at nasa isang dosenang iba pang miyembro ng Liberal Party sa Kamara ngayong araw.

Pupuntahan nila si President-elect Rodrigo Duterte bilang hudyat ng kanilang pag-sali sa coalition na pinamumunuan ng PDP-Laban.

Ayon sa isang source mula sa Congress, naagkasundo na sina Belmonte at ang LP na sumama sa majority bloc ng 17th Congress, pati na ang pag-halal kay incoming Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez bilang susunod na Speaker.

Ayon pa sa source, ayaw kasi ni Alvarez na magkaroon ng LP sa magkabilang panig, kaya kailangan nilang mamili kung sa majority o sa minority sila pupunta.

Pinili na lamang aniya ni Belmonte na sumama na sa majority upang hindi magkalas-kalas ang LP.

Kinumpirma naman ni Belmonte ang pagpunta sa Davao, ngunit tumangging mag-komento kung ito ba ay pahiwatig na ng tuluyang pag-pirma ng LP sa Coalition of Change ng PDP-Laban.

Sinabi lang niya na karamihan sa mga miyembro ng LP ay nais sumama sa majority.

Ayon naman sa vice chair ng PDP-Laban na si incoming Energy Secretary Alfonso Cusi, ang magaganap ngayong araw ay meet-and-greet lamang, at ipagpapaliban na lang sa ibang araw ang pirmahan ng coalition agreement.

Dagdag pa niya, ang pagpunta nina Belmonte at iba pang miyembro ng LP kay Duterte ay isa lamang courtesy call, at para batiin lamang ito sa kaniyang pagkapanalo.

Una nang sinabi ni Belmonte na mismong si Pangulong Aquino ang nag-endorso na sumama ang LP sa majority bloc.

Read more...