Nilagdaan na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Subscriber Identity Module Card Registration Act.
Ito ang unang batas na nilagdaaan ni Pangulong Marcos mula nang maupo sa puwesto noong Hunyo 30, 2022.
Obligado na ang bawat isa na ipa-rehistro ang kanilang sim card.
“With the signing of this act, we will finally achieve what has long been overdue, an effective means of regulating the issuance of sim cards to curb the spread of spam text messages and scams,” pahayag ng Pangulo.
Dahil sa bagong batas, magkakaroon na ng accountability sa paggamit ng sim card.
Malaking tulong din ito sa mga awtoridad na maatunton ang mga gumagawa ng scam at iba pang uri ng kriminalidad gamit ang cellular phone.
“We will soon be able to provide law enforcement agencies with the tools needed to resolve crimes perpetrated with the use of these SIM Cards, as well as providing a strong deterrence against the commission of wrongdoing,” pahayag ng Pangulo.
Sa ilalim ng batas, inaatasan ang lahat ng public telecommunications entities (PTE) o ang mga direct sellers na obligahin ang mga gagamit ng sim card na mag-presenta ng valid identification document na may kasamang litrato.
Lahat ng impormasyon na makukuha sa SIM card registration ay bibigyan ng confidentiality maliban na lamang kung pahihintulutan ng subscriber.
Inaatasan din ang mga telco firms na i-disclose ang buong pangalan at address ng may-ari ng SIM card kung ito ay ipasa-subpoena o mayroong court order.
Maari namang magsumite ang mga awtoridad na nagsasagawa ng imbestigasyon na gumawa ng written request sa mga telco firms para ibigay ang mga impormasyon ng may-ari ng SIM card.
Nilagdaaan ng Pangulo ang naturang batas para mapalakas pa ang kampanya ng pamahalaan kontra sa mga text at online scams na naging talamak kamakailan lamang.
Ikinatuwa naman ng dalawang giant telco firms ang paglagda ng Pangulo sa naturang batas.
Ayon sa Globe Telecom Incorporated at Smart Communication Incorporated, malaking tulong ito kontra sa mga manloloko.
May kaukulang multa at pagkakulong ang naghihntay na parusa sa mga lalabag sa batas.
Partikular na ang mga lalabag sa confidentiality dahil sa kapabayaan, pangloloko,pagbebenta ng mga nakaw na SIM card, pag-lilipat ng SIM card nang hindi sumusunod sa required registration at iba pa.