Pinayuhan si Negros Oriental Governor Henry Teves na ipagpatuloy lamang ang pagganap sa kanyang mga tungkulin bilang ama ng lalawigan.
Sinabi ni Atty. Ferdinand Topacioa, isa sa mga abogado ni Teves, na pinayuhan din niya si Teves na manatili lamang sa Kapitolyo.
Pagdidiin ni Topacio, si Teves ang nanalo at naiproklamang gobernador matapos ang eleksyon noong Mayo.
Unang ipinawalang bisa ng Commission on Elections (Comelec) ang proklamasyon ni Teves base sa protesta ni dating Gov. Roel Degamo at pinagsabihan na rin ito ni Interior Sec. Benhur Abalos na iwan na ang kapitolyo.
Ngunit iginiit ni Topacio na hindi ang Comelec o ang DILG ang maaring magpababa sa puwesto kay Teves kundi isang korte.
Dagdag pa nito, apat dapat at hindi tatlo lamang ang bumoto sa Comelec sa isang naidulog na kaso.
Banggit pa ni Topacio, si Degamo ang dapat na idiskuwalipika dahil maituturing na pang-apat na niyang termino at nakasaad sa batas ang limitasyon ay tatlong lamang.
“Bakit nauna pang madesisyunan kung legal nga ba ang certificate of candidacy nitong si ex-Gov. Degamo?” tanong ni Topacio.
Humarap si Teves sa mga mamamahayag kasama ang mga alkalde ng kanilang lalawigan na nagbigay suporta sa kanya.