Kulang ang pondo ng Department of Education (DepEd) para makapagbigay ng maayos na imprastraktura sa mga paaralan.
Ito ang pag-amin ni Vice President at Education Sec. Sara Duterte sa pagharap niya sa mga guro sa Abra kasabay nang paggunita ng National Teacher’s Day.
Idinaing ng mga nakaharap niyang mga guro ang kakulangan ng mga imprastraktura at pasilidad sa mga paaralan.
“Pinaintindi ko sa ating mga guro na halos taon-taon, hindi talaga sapat ang budget na ina-allot para sa infrastructure development pero naiintindihan din ng DepEd na maraming opisina sa gobyerno na nangangailangan din ng budget dahil meron din silang mandato,”sabi ni Duterte.
Ipinangako naman nito sa mga guro ang pantay na distribusyon ng pondo para sa mga pasilidad ng mga paaralan.
Sa pondo ng kagawaran sa susunod na taon, hiniling ang P9.8 bilyon para sa basic education facilities.
May higit 47,000 pampublikong paaralan sa bansa.
Idinaing din ng mga guro kay Duterte na sobra-sobra ang kanilang trabaho at hindi sapat ang suweldo.