“Task Force Sampaguita” laban sa child labor, ikinasa sa QC
By: Chona Yu
- 2 years ago
Bumuo na ng “Task Force Sampaguita” ang lokal na pamahalaan ng Quezon City para mabigyang proteksyon ang mga menor de edad laban sa forced labor at exploitation.
Ayon kay Quezon City Mayor Joy Belmonte, sa pamamagitan ng task force, mabibigyan ng proteksyon hindi lamang ang mga menor de edad ang mabibigyan ng target-specific programs at interventions kundi maging ang kanilang mga magulang.
Nilagdaan ni Belmonte ang Task Force Sampaguita o Quezon City Interagency Task Force for the Special Protection of Street Children and Child Laborers sa pamamagitan ng Executive Order 41 series of 2022 kasunod ng pagdagsa ng mga bata na nagtitinda ng sampaguita.
Base sa joint surveillance activity ng QC Public Employment Service Office (PESO) at Social Services Development Department (SSDD) sa Tomas Morato, ka pansin pansin na lalo pang dumami ang mga batang nagtitinda ng sampaguita habang papalapit ang kapaskuhan.
Napansin din aniya ng kanilang hanay na karamihan sa mga batang nagtitinda ay galing sa ibang local government units.
“Dahil sa hirap ng buhay, napipilitan ang ilang kabataan na ilaan ang kanilang oras sa pagtatrabaho imbes na sa pag-aaral. Narito ang pamahalaang lungsod para alalayan at suportahan ang kanilang pamilya sa pamamagitan ng pagbibigay ng iba-ibang tulong at serbisyo,” pahayag ni Belmonte.
Si Belmonte ang magsisilbing chairman ng Task Force habang si Public Employment Service Office (PESO) Head Rogelio Reyes ang Co-chairperson at Social Services Development Department (SSDD) Head Fe Macale ang Vice-chairperson.
Mayroong 17 member offices ang task force at dalawang People’s Council Representatives mula sa business sector at children’s rights sector.
Layunin ng task force na bumuo ng policy-framework para sa city-wide profiling ng street children at ng kanilang pamilya.
Makikipag ugnayan din ang Task Force sa Department of Social Welfare and Development, non-government organizations at local government units.
Sa ngayon, tinutulungan na ng task force ang pamilya ng mga street children maging ang mga solo parents para makakuha ng QCitizen IDs.
Mayroon ding livelihood assistance, educational assistance for children-at-risk, Parent Effectiveness Service (PES) for parents na tulong ang lokal na pamahalaan.
Hinihikayat ang publiko na I report ang mga street children sa QC Hotline 122 para makaiwas sa child labor.