Ibinahagi ni Senator Jinggoy Estrada na isa sa mga sinasabing napaboran na supplier ang nabigyan ng halos P6 bilyong halaga ng mga kontrata ng Department of Education.
Ayon kay Estrada simula noong 2015, halos P6 bilyon ang halaga ng mga kontrata na naibigay sa Advance Solutions Inc., ng DepEd.
Diin ng senador hindi nabusisi ng Commission on Audit (COA) ang mga naibigay na kontrata sa ilan aniya ay napapaboran na mga supplier.
“The consistency of ASI being awarded the contracts does not raise suspicion? Sa dami ng ini-award sa ASI bakit mukhang may favoritism kayo diyan,” giit ni Estrada sa mga opisyal ng DepEd na dumalo sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee.
Inuusisa ng naturang komite ang pagbili ng P2.4 bilyong halaga ng laptops sa pamamagitan ng Department of Budget and Management – Procurement Service noong nakaraang taon.
Ang mga laptops ay ipinamahagi sa public school teachers sa pagkasa ng blended learning system, ngunit sinasabi na ‘overpriced’ at ‘outdated’ na ang mga laptops.
Kinumpirma ni Dir. Abram Abanil, ng DepEd – Information and Communications Technology Services ang mga pagbubunyag ni Estrada bagamat aniya hindi niya alam ang kabuuang halaga ng mga naibigay na kontrata.
Dagdag pa niya, ang Legal Service ng kagawaran ang dapat na bumusisi sa mga kontrata na naibigay sa ASI.
Sa bahagi naman ng COA, sinabi ni Supervising Auditor for DepEd Job Aguirre Jr., na rerebisahin nila ang mga nakuhang kontrata ng ASI.
Kayat hiniling ni Estrada kay Aguirre Jr., na bigyan ng kopya ng kanilang final investigation report ang Blue Ribbon Committee hinggil sa mga kontrata na naibigay sa ASI.
Bukod sa ASI, tinukoy din ng senador ang iba pang aniya ay ‘favored supplers’ ng DepEd at ito ang Columbia Technologies, Inc., Reddot Imaging Phils., Inc., Techguru Inc., at Girltekki Inc.
Binigyan pagkakataon naman ni Sen. Francis Tolentino, ang namumuno sa komite, ang kinatawan ng ASI na dumipensa sa mga alegasyon ni Estrada.
Ayon sa kinatawan ng ASI, 2013 pa sila nakakakuha ng mga kontrata sa DepEd at idiin na sila ay sumusunod sa ‘bidding process’ at wala silang ‘contact’ sa DepEd.