May 1,704 Filipino ang umabot sa edad na 100 ngayon taon ngunit 704 sa kanila ay kinakailangan na maghintay para sa kanilang P100,000 aginaldo base sa Centenarians Act of 2016.
Pagbabahagi ito ni Senior Citizen Partylist Rep. Rodolfo Ordanes matapos malaman niya na walang sapat na pondo ang DSWD ngayon taon para maibigay ang aginaldo sa mga sentenaryo sa bansa.
Nalaman aniya ito sa organizational meeting ng pinamumunuan niyang House Special Committee on Senior Citizens.
Samantala, nabanggit din niya na sa pamamahagi naman ng indigent senior citizen social pension, 3,495,543 na ang nakatanggap sa 4,085,066 benipesaryo.
Ayon pa kay Ordanes ipinasa na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Kongreso ang pagpopondo sa karagdagang P500 sa buwanang pensyon ng mga nakatatanda sa bansa.
Kayat umapila ito sa mga kapwa mambabatas na miyembro ng House Committee on Appropriations na maghanap ng paraan para mapondohan ang dagdag pensyon.
Dagdag pa ng mambabatas, kailangan ng higit P25.7 bilyon para maibigay na simula sa susunod na taon ang karagdagang pensyon.