Serbisyo publiko sa mga malalayong lugar, tuloy lang ayon kay Senador Go

Tiniyak ni Senador Christopher “Bong” Go na ipagpapatuloy niya ang pagbibigay ng mga kinakailangang suporta sa mahihirap na komunidad na labis na naapektuhan ng nararanasang health crisis. Ginawa ng senador ang pagtiyak nang mamahagi ang kanyang team ng tulong sa mga residente ng Pontevedra, Negros Occidental. Sa kanyang video message sa ginanap na aktibidad sa municipal gymnasium, muling inihayag ni Go na gagawin niya ang lahat ng makakaya upang ipagpatuloy ang layunin ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na mabigyan ng mas komportableng pamumuhay ang mga Filipino. “Kahit po na lumiit na ang aking kapasidad, asahan niyo po na ipagpapatuloy ko po ang nasimulan ni dating pangulong Duterte na mabigyan ang bawat Pilipino ng komportableng buhay. Bisyo ko po ang magserbisyo sa inyo, mga kababayan ko. Kaya ako po ay patuloy na maninilbihan sa inyo sa abot nang aking makakaya,” pagtitiyak ni Go. “Asahan niyo rin po patuloy din ang gobyerno sa paghahatid ng tapat na serbisyo sa inyong lahat. Ngunit, hindi po kakayanin ito ng gobyerno kung wala po ang inyong kooperasyon at suporta,” kanya ring apela. Namahagi ang team ni Go ng mga masks, shirts, at snacks sa 296 na mga residente at pati mga sapatis, computer tablets, bisikleta, at mga bola para sa volleyball at basketball sa mga piling indibidwal. Nag alok din ng tulong ang senador sa mga nangangailangan ng hospital services at hinikayat ang mga benepisyaryo na bumisita sa Corazon Locsin Montelibano Memorial Regional Hospital (CLMMRH) sa Bacolod City upang ma-avail ang serbisyo ng Malasakit Center, sa pagsasabing “Ang Malasakit Center ay one-stop shop. Nasa loob na ng ospital ang apat na ahensya ng gobyerno, ang PhilHealth, PCSO, DOH at DSWD. Tutulungan kayo ng Malasakit Center hanggang maging zero balance, wala na kayong babayaran sa inyong pagpapaospital.” “Sinimulan ko po itong Malasakit Centers program dahil nakita ko po kung gaano kahirap para sa ating mga kababayan na kumuha ng assistance mula sa gobyerno. Ngayon, mayroon na tayong 151 na Malasakit Center sa buong Pilipinas. Lapitan niyo lang po ang opisina na may karatulang ‘Malasakit Center’. Ito po ay para sa poor and indigent patients.” paliwanag pa ni Go na siyang principal author ng Malasakit Centers Act of 2019. Hinikayat din ng mambabatas ang mga residente na kompletuhin ang kanilang mga bakuna at booster shots laban sa COVID-19. “Pinaghirapan po ng gobyerno itong mga bakuna kaya nakikiusap po ako sa inyong lahat na magpabakuna na po kayo. Libre naman po ito. Huwag po kayong matakot sa bakuna at mas matakot po kayo sa COVID-19 dahil hindi po natin nakikita itong kalaban na to,”  panghihikayat ni Go. “Kung mahal niyo po ang inyong pamilya o kaya kung gusto niyo ng agarang pagbalik sa normal, magpabakuna na po kayo. Ito ang tanging susi o solusyon upang makabalik na tayo sa ating normal na pamumuhay,” dagdag pa niya.

Read more...