Pangulong Marcos, inaprubahan ang rekomendasyong isuspinde ang klase at trabaho sa mga apektado ng #KardingPH

Photo credit: Pres. Bongbong Marcos/Facebook

Inaprubahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang rekomendasyong isuspinde ang pasok sa trabaho at klase sa mga lugar na apektado ng Bagyong Karding.

“I have received and approved the recommendation of NDRRMC to suspend classes and work as specified in their letter,” pahayag ng Pangulo base sa kaniyang Facebook post.

Nakasaad sa naturang liham ang rekomendasyon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na suspensyon ng pasok sa mga tanggapan ng gobyerno sa National Capital Region, kabilang ang mga probinsya sa Regions 1, 2, Cordillera Administrative Region (CAR), 3, CALABARZON, MIMAROPA, at 5 sa araw ng Lunes, Setyembre 26.

Hindi naman kabilang dito ang frontline agencies na nagbibigay ng emergency services.

Inirekomenda rin ng NDRRMC sa Pangulo ang suspensyon ng klase sa lahat ng antas sa mga pampublikong paaralan.

“The same course of action for private companies, offices, and schools is left to the discretion of their respective heads,” ayon sa ahensya.

Paliwanag ng NDRRMC, “The recommended suspension will prevent any untoward incidents and will ensure the safety of the general public.”

Read more...