Naganap ang bilateral meeting nina Marcos at Biden sa Inter-Continental Hotel sa New York bandang 11:00 ng umaga, oras sa Amerika.
Sa naturang pagpupulong, pinagtibay pa ng dalawang lider ang relasyon ng Pilipinas at Amerika.
Binigyang diin ni Pangulong Marcos na ang Pilipinas ay katuwang, kaalyado at kaibigan ng Amerika.
Ayon sa Pangulo, ang relasyon ng Pilpinas at Amerika ay patuloy na uunlad sa pagharap sa mga hamon ng bagong panahon.
Pinasalamatan nito ang Amerika sa malawak na tulong na natanggap ng bansa sa panahon ng pandemya.
Umaasa ang Punong Ehekutibo na patuloy na makakatuwang ang Amerika sa pagpapanatili ng kapayapaan sa rehiyon na aniya’y ipinagpapasalamat ng lahat.