Sa dalawang pahinang pahayag ng VACC, partikular na tinukoy ang kumalat na isang ‘draft administrative order’ sa pagbuhay sa Office of the Presidential Chief of Staff (OPCOS) at ang limang pahinang memorandum ni Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na tumututol dito.
Kataka-taka na biglaan ang pagkalat sa social media at mainstream media ng mga dokumento noong Sabado, Setyembre 17, 2022, kasabay ng pagbibitiw ni Rodriguez bilang Executive Secretary at pagkatalaga sa kanya bilang Presidential Chief of Staff.
Nilagdaan din ni PBBM ang draft administrative order bilang Administrative Order No. 1 na naglalatag ng kapangyarihan at awtoridad ni Rodriguez, sa kabila ng pagtutol ni Enrile.
Bagaman layunin ng ‘Palace leaks’ na kumbinsihin si Marcos na huwag nang bigyan ng bagong posisyon si Rodriguez sa kanyang administrasyon, ipinakita rin nito ang maluwag na sistema ng seguridad sa mga komunikasyon at dokumento sa loob ng Palasyo.
Ayon sa VACC, ang pinakahuling insidente ay dapat magtulak sa Presidential Security Group (PSG) at mga kaugnay na ahensiya na agarang magsagawa ng imbestigasyon upang matukoy at maparasuhan ang mga grupo at indibidwal na nasa likod nito at ang lawak ng ‘security breach’ sa Palasyo.
Dagdag pa ng grupo, ang mga dokumento ay bahagi ng ‘privilege communication’ ni PBBM at kanyang mga opisyal at hindi dapat inilalabas sa publiko at maging target ng tsismis at mga ispekulasyon kahit sa hanay ng midya.
Ayon naman sa ilang impormante, dapat simulan ang imbestigasyon sa mismong tanggapan ni Enrile.
Ayon pa sa VACC, dapat ding tingnan ang anggulo na may ilang grupo sa Palasyo na gustong isabotahe si PBBM at ang higit 31.6 milyong Pilipino na bumoto sa kanya noong eleksyon.
“Sinasadya bang isabotahe si PBBM upang mabigo sa kanya ang tiwala ng higit 31.6 milyong Pilipino na bumoto sa kanya noong halalan,” tanong pa ng grupo.