Inihayag ni President-elect Rodrigo Duterte na mapupunta ang lahat ng kikitain ng Philippine Amusement and Gaming Corporation o Pagcor sa serbisyong pangkalusugan.
Sa thanksgiving party ni Duterte kagabi, sinabi nito na mapupunta ang lahat ng kita ng Pagcor sa mga ospital, para magamit na pambili ng karagdagang gamot at kagamitan.
Maging ang sektor aniya ng edukasyon ay makikinabang sa perang kikitain ng Pagcor.
Noong 2014, umabot sa 39.98 billion pesos ang kinita ng gaming corporation.
Batay sa Pagcor annual report noong 2014, nakatanggap ang pamahalaan ng 35.40 percent o 14.15 billion pesos mula sa ahensya.
Sinabi rin ni Duterte na sapat ang pera ng Pilipinas ngunit ang problema lamang ay kung paano ang tamang paggastos dito.
Aabot aniya sa 1.5 hanggang 2 billion pesos ang nawawala kada araw dahil sa korapsyon sa Bureau of Customs at Bureau of Internal Revenue.