Hindi nawawalan ng pag-asa si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na makausap ng personal si US President Joe Biden sa 77th United Nations General Assembly (UNGA) sa New York.
Sa talumpati ng Pangulo sa “Meet and Greet” sa Filipino Community sa New Jersey Performing Arts Center, sinabi nito na hiniling na ng Pilipinas sa iba’t ibang heads of state na dadalo sa UNGA na magkaroon siya ng bilateral o multilateral meetings.
Mahalaga kasi aniyang mailatag sa ibang world leaders ang ang mga plano kung paano makaahon ang ekonomiya.
“I am hoping to be able to meet President Joseph Biden and other world leaders on the sides of the UN General Assembly,” pahayag ng Pangulo.
Bukod sa heads of state, makikipagpulong din ang Pangulo sa U.S. business leaders sa pag-asang makaakit ng mamumuhunan na maglagay ng negosyo sa Pilipinas.
Sinabi pa ng Pangulo na ang bilateral alliance ng Pilipinas at Amerika ay kasing halaga ng mga polisiya ng bansa.
Pangako ng Pangulo, patuloy pang palalakasin ng Pilipinas ang ugnayan sa Amerika sa mga susunod na taon.
Nasa Amerika ang Pangulo para sa anim na araw na UNGA.