Libreng tulong-legal, makukuha na ng mga mahihirap sa Lapid Law

Photo credit: Sen. Lito Lapid/Facebook

Makalipas ang 12 taon, makakakuha na rin ng free legal assistance ang mga mahihirap na Filipino kasunod nang pagiging batas ng tinaguriang ‘Lapid Law.’

“Sa wakas, nakamit na natin ang tagumpay sa pagpapatupad ng ating batas. Halos labing dalawang taon po mula nang mapirmahan ang Lapid Law bilang batas, ang Implementing Rules and Regulations o ang IRR nito ay napirmahan na noong Setyembre 8,” ayon kay Sen. Lito Lapid patungkol sa RA 9999 o ang Free Legal Assistance Act of 2010.

Pinasalamatan ni Lapid sina Finance Sec. Benjamin Diokno at Internal Revenue Comm. Lilia Guillermo sa pagtugon para sa implementing rules and regulations (IRR) ng batas.

Paliwanag ng senador, layon ng RA 9999 na mahikayat ang mga abogado na magbigay ng libreng serbisyo sa mga mahihirap para na rin mabawasan ang mga kaso sa Public Attorney’s Office.

Bilang sukli sa mga abogado, bibigyan sila ng tax deductions.

Napirmahan na ito noong 2010 ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ngunit hindi naipatupad ng 12 taon dahil sa kawalan ng IRR.

Read more...