Nagpahiwatig si Senate Blue Ribbon Committee chairman, Senator Francis Tolentino na maaring isang pagdinig na lamang ang kinakailangan sa kontrobersyal na pagbili ng laptops para sa public school teachers.
Paglilinaw pa ni Tolentino na pagkatapos ng tatlong pagdinig, wala pang maituturo na may kasalanan o walang kasalanan, kabilang na sina dating Education Sec. Leonor Briones at dating Budget Usec. Christopher Lao.
Sa kaso ni Briones, ayon kay Tolentino, maaring mali ang mga pagpapayo sa kanya ukol sa pagbili ng laptops, ngunit hindi maaring agad-agad maisantabi ang ‘command responsibility doctrine.’
Pag-amin nito, maraming naisiwalat si DepEd Dir. Marcelo Bragado sa pagdinig noong Huwebes, Setyembre 15, kasama na sa pinirmahan na memorandum of agreement (MOA) sa pagitan ng DepEd at DBM-PS.
Nangangailan pa aniya sila ng mga karagdagang dokumento mula kay Education Usec. Anne Sevilla.
Napakahalaga din aniyang malaman kung kailan pinirmahan ang kasunduan ng dalawang kagawaran.
Kaugnay sa susunod na pagdinig, sinabi nito na kailangang magkatugma-tugma ang schedule ng iba pang miyembro ng komite.