‘Utang tagging’ sa mga professionals, teachers binatikos ni Sen. Win Gatchalian

Ipinagdiinan ni Senator Sherwin Gatchalian ang pagbibigay proteksyon sa mga guro laban sa mga mapasamantalang paniningil ng utang.

Kasunod ito nang pagkondena niya sa ‘utang tagging’ na ginagawa sa mga professionals, kabilang na ang mga guro at nagiging daan para maharap sila sa mga kasong administratibo.

Nagbubunga ito, ayon sa senador, nang hindi pagkaka-renew ng kanilang lisensiya sa Professional Regulation Commission (PRC).

Ayon sa namumuno sa Senate Committee on Basic Education bagamat ipinatigil na ng PRC ang ‘utang tagging’ kailangan na ganap na matigil na ang pangho-‘hostage’ sa lisensiya dahil lamang sa utang.

“Hindi natin dapat iniipit ang lisensya ng ating mga guro dahil sa kanilang pagkakautang. Ang ganitong klase ng panggigipit at pang-aabuso sa ating mga guro ay hindi dapat natin pinalalagpas. Tungkulin nating protektahan at itaguyod ang kapakanan ng mga guro na marami nang isinasakripisyo para sa pagpapatuloy ng edukasyon,” diin ni Gatchalian.

Kasabay nito, hiniling ni Gatchalian ang pagpasa sa Senate Bill No. 818 o ang Fair Debt Collection Practices Act  na layon protektahan ang mga may-utang sa harassment, pagbabanta, paninira at pang-aabuso ng kanilang pinagkakautangan.

Read more...