Telcos inatasang magpadala ng text blast na nagbibigay babala laban sa “personalized” fake job at iba pang text scam
By: Chona Yu
- 2 years ago
Laganap ngayon ang pagpapadala ng mga “personalized” fake job, lucky winner, bonus cash at iba pang uri ng money scams sa pamamagitan ng text.
Ayon sa National Telecommunications Commission (NTC) ngayong buwan ng Setyembre ay nagpatuloy ang ang mga money scams target ang mga subscriber ng iba’t ibang telecommunication networks.
Dahil dito, inatasan ni NTC Commissioner Gamaliel Cordoba ang mga telecommunications company, kabilang ang DITO Telecom, Globe at Smart na magpadala ng text blast sa kanilang subscriber upang bigyang babala sa mga kumakalat na scam.
Simula Sept. 9 hanggang September 15, iniutos ng NTC ang pagpapadala ng mensaheng “HUWAG PONG MANIWALA SA TEXT NA NAGLALAMAN NG INYONG PANGALAN AT NANG-AALOK NG TRABAHO, PABUYA O PERA. ITO PO AY ISANG SCAM”.
Inatasan din ni Cordoba ang mga telco na tiyakin ang agarang pag-block sa mga SIM cards na ginagamit sa panloloko.
Samantala, inatasan din ng NTC ang lahat ng regional directors at mga officer-in-charge ng ahensya na magpalaganap ng impormasyon hinggil sa panibagong scam.
Ayon kay Cordoba, sa pamamagitan ng mga radyo at telebisyon, dapat ipalaganap ng mga regional directors ng NTC ang impormasyon upang bigyang babala ang publiko hinggil sa panibagong variant ng fake job at text scams.
Ang mga opisyal ng NTC at mga telco ay inatasang magsumite ng compliance report hanggang Sept. 19, 2022. (DDC)