May nasugatan. May nakulong sa gumuhong gusali. May nag-rappelling, may rescue team, may ambulansya at iba pa.
Ilan lamang ito sa mga eksena sa ikatlong Nationwide Simultaneous Earthquake Drill na isinagawa sa Makati City.
Eksaktong 9:00, Huwebes ng umaga, tumunog ang serena hudyat ng pagsisimula ng earthquake drill sa buong bansa.
Ayon kay Department of Science and Technology (DOST) Secretary Renato Solidum, bahagi ito ng paghahanda sakaling tumama ang malakas na 7.2 magnitude na lindol sa Metro Manila.
Mahigpit aniyang binabantayan ng kanilang hanay ang west valley fault at Manila trench.
Sakaling tumama ang 7.2 magnitude na lindol sa Metro Manila, nasa 50,000 katao ang maaring mamatay.
Pero ayon kay Solidum, hindi lamang sa Metro Manila nakatutok ang kanilang atensyon kundi sa buong bansa.
Mahalaga kasi aniya na maitanim sa utak ng bawat isa ang “duck, cover at hold” para maging ligtas kontra lindol.
Sinabi naman ni National Disaster Risk Reduction and Management Council Executive Director Raymundo Ferrer na nakahanda ang response team ng pamahalaan sakaling tumama ang malakas na lindol.
Sa hanay ng pribadong sektor, sinabi ni Manuel Blas ang governor ng Makati Central Estate Association Incorporated na suportado nila ang programa ng pamahalaan.
Mahalaga kasi aniya ang kaligtasan ng bawat buhay ng tao.
WATCH: Pinangunahan ni DOST Secretary Renato Solidum ang earthquake drill | @chonayu1
🎥: Chona Yu/Radyo Inquirer On-Line pic.twitter.com/iQnZgS1Cyu
— RadyoInquirerOn-Line (@radyoinqonline) September 8, 2022