Extortionists na nagpanggap na tagapagsalita ni Duterte, nasukol na

peter laviñaMalaki ang pasasalamat ng tagapagsalita ni President-elect Rodrigo Duterte na si Peter Laviña, matapos mahuli ng mga otoridad ang mga kawatan na ginamit ang kaniyang pangalan upang makapangikil ng malaking halaga ng pera.

Sa pahayag na inilabas ni Laviña, ipinahayag niyang natutuwa siya na nasukol na ng mga otoridad ang grupo at mga indibidwal na ginagamit ang pangalan niya upang makahingi ng donasyon sa mga kaawa-awang biktima.

Ayon pa kay Laviña, hindi lang pera ang habol ng mga kawatan kundi pati na ang sirain ang kaniyang pangalan at ni incoming President Duterte.

Pinapurian ni Laviña ang mga pulis, at umaasa aniya siyang magsilbing aral ito sa mga kawatan na totoo ang sinasabi nilang darating na ang pagbabago.

Una nang naiulat na may grupo ng mga indibidwal ang humingi ng P1 milyong donasyon sa isang bangko para sana sa thanksgiving party ni Duterte, at isa sa mga ito ay nagpakilalang si Laviña.

Huli na nang mapag-alaman ng bangko na kawatan pala ang mga ito dahil nakapagbigay na sila ng malaking pera.

Ayon naman sa executive assistant ni Duterte na si Bong Go, mayroon ring nag-text kay Pangulong Aquino noon para humingi ng tulong.

Tinawagan aniya siya ng aide ni Aquino para kumpirmahin kung totoo ito at kung sa kaniya nga ang number na ginamit.

Read more...