Hindi pinagbigyan ng Sandiganbayan ang dalawang mosyon ni detained Senator Jinggoy Estrada na humihiling na makalabas sya sa pansamantala sa PNP custodial center.
Sa unang mosyon ni Estrada, nais niyang makadalo sa 86th birthday celebration ng kanyang ina na si dating senador Loi Estrada bukas, June 4, simula alas 8:00 ng gabi hanggang alas 12:00 ng hatinggabi.
Hiniling din ni Estrada na siya ay makadalo sa huling sesyon ng senado at mailigpit ang kaniyang mga gamit simula sa June 6 hanggang sa June 8.
Pero sa tatlong pahinang desisyon ng fifth division ng anti-graft court, sinabi nito na hindi na kailangan ang presensya ni Estrada sa senado.
Pwede naman daw kasi nyang iutos sa kanyang mga tauhan ang pagliligpit sa kanyang mga gamit sa senado at iendorso naman sa senate property custodian ang mga gamit ng senado.
Sa hiling naman na makadalo sa birthday ng ina, sinabi ng korte na hindi na nila pinagbigyan ang kaparehong hiling ni Estrada noong nakaraang taon dahil kung papayagan ito ay maituturing itong isang “mockery” sa justice system ng bansa.