Nasamsam ng mga tauhan ng Bureau of Customs-Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Bureau of Plant Industry (BPI), at NAIA-Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA IADITG) ang isang shipment mula sa Nigeria na naglalaman ng methamphetamine hydrochloride o shabu sa San Andres, Maynila.
Isinilid ang 8.575 kilo ng ilegal na droga sa package ng iba’t ibang pampalasa.
Sinabi ng BOC na aabot sa P58.31 milyon ang halaga ng ilegal na droga.
Unang idineklara ang shipment na naglalaman ng “food stuff”.
Ngunit, nang isailalim sa evaluation, napag-alamang ilegal na na-import ang shipment sa bansa nang walang import permits mula sa DA-BPI.
Agad nakipag-ugnayan ang BOC-NAIA sa DA-BPI upang malaman ang iba pang posibleng paglabag sa importation bago ang posibleng condemnation/disposal ng DA-BPI.
Sa pamamagitan naman ng PDEA Field Test, nakumpirmang shabu ang laman ng shipment.
Sa ngayon, nasa kustodiya ng PDEA ang ilegal na droga upang makapagsagawa ng mas malalim na imbestigasyon para sa profiling at case build-up laban sa mga indibiduwal na sangkot sa paglabag sa Dangerous Drugs Act of 2002 na may kinalaman sa Section 1401 ng Customs Modernization and Tariff Act of 2016.