Nagsagawa ng vaccination drive ang Quezon City government sa mga tindera at tindera sa Commonwealth Market.
Ayon kay Quezon City Mayor Joy Belmonte, bahagi ito ng mas pinalakas na kampanya sa pagsusulong ng COVID-19 vaccination.
Inilunsad ng Pamahalaang Lungsod at Department of Health (DOH) ang PinasLakas booster vaccination drive kung saan aabot sa 500 residente at market vendors ang nabakunahan.
Pinangunahan nina Mayor Belmonte, DOH – Metro Manila Center for Health Development Regional Director Gloria Balboa, DOH – Health Policy Development and Planning Bureau Director Frances Rose Mamaril, Department of the Interior and Local Government (DILG) QC Field Office Director Emmanuel Borromeo, at QC Health Department OIC Esperanza Arias ang ceremonial vaccination sa pagtitipon.
Buong linggong mag-iikot ang QC Vaccination team sa lahat ng palengke at talipapa sa lungsod.
Pinapayuhan ni Belmonte ang mga residente na magpa-book ng schedule ng pagbabakuna, maaaring magpunta sa QCVaxEasy website. Maaari ring magtungo sa pinakamalapit na health center sa inyong lugar.