Lady partylist solon, suportado ang mataas na budget ni VP Sara

DepEd photo

Suportado ni Bagong Henerasyon Partylist Representative Bernadette Herrera na mabigyan ng mas malaking budget ang Office of the Vice President (OVP) sa susunod na taon.

Base sa 2023 National Expenditure Program (NEP), humihingi ang tanggapan ni Vice President Sara Duterte ng P2.3 bilyon, tatlong ulit na mas malaki kumpara sa nailaan sa OVP sa taong 2022.

Naniniwala si Herrera na magagasta nang maayos hanggang sa huling sentimo ang pondo na ilalaan sa OVP dahil sa mga programa at proyekto ni Duterte.

Sa pamamagitan ng mas malaking pondo, dagdag pa ni Herrera, mas maraming komunidad at mamamayan ang maabot at mabibigyan suporta ng tanggapan ni Duterte.

Nabanggit pa ng mambabatas na pagkaupo ni Duterte, agad itong nagbukas ng satellite offices sa Luzon, Visayas at Mindanao para magbigay ng medical at burial assistance.

Nag-alok na rin ang OVP ng libreng sakay sa Metro Manila, Davao City, Cebu City at Bacolod City.

Binabalak na rin ni Duterte na magpatayo ng ‘official residence’ ng pangalawang pinakamataas na halal na opisyal ng bansa.

Read more...