Narekober ng Armed Forces of the Philippines – Eastern Mindanao Command ang pinakamalaking bulto ng iba’t ibang uri ng mga baril ng New People’s Army (NPA) sa Caraga Region.
Ito ang paniniwala ni Eastmincom chief, Lt. Gen. Greg Almerol at aniya, bunga ito ng pagsuko ng mga rebelde sa Army 901st Brigade ng 30th Infantry Batallion.
Aniya, mismong ang mga dating rebelde ang nagturo kung saan nila itinago ang 31 baril at iba pang mga gamit-pandigma.
Unang sumuko ang siyam na miyembro ng NPA – GF 16 sa Gigaguit, Surigao del Norte noong Agosto 12, na sinundan ng pagsuko pa ng iba nilang kasama noong Agosto 22 at 25.
Kabilang sa mga narekober ay siyam na M4 rifles, walong M16 rifles, anim na AK47 rifles, tatlong M203 grenade launchers, isang M14 rifle, isang Galil rifle, isang .22 Carbine, isang R4 rifle, isang Pistol Grand Master, isang improvised explosive device, at 2,010 iba’t ibang bala.