Mga magsasaka sa Surallah, South Cotabato, inayudahan ng DAR

(Courtesy: DAR)

Binigyang ayuda ng Department of Agrarian Reform ang mga magsasaka sa Surallah, South Cotabato.

Ito ay para mapalakas pa ang produksyon ng palm oil sa lugar.

Ayon kay Regional Director Marianne Lauban-Baunto, kabilanng sa ibinigay na ayuda ang delivery truck at apat na yunit ng grass cutter upang maayudahan ang mga magsasaka na kasapi ng MATELCOS Agrarian Reform Beneficiaries Cooperative (MARBC).

Ayon kay Lauban-Baunto, ang mga makinarya ay ipinagkaloob sa ilalim ng Major Crop-based Block Farming Project ng ahensiya upang suportahan ang produksyon at transaksyon sa pagbebenta ng MARBC.

“Sa pamamagitan ng mga pasilidad, ang ating mga magsasaka na kabilang sa kooperatiba na ito  ay makapag-tatrabaho ng mas mabilis upang mapabuti ang kanilang iba’t ibang pananim lalo na ang palm oil,” ayon sa opisyal.

Idinagdag pa ni Baunto na dahil sa trak ay mas lalawak pa ang kanilang market sa pagbibiyahe ng kanilang mga produkto.

“Umaasa ako na aalagaan ninyo ang mga makinarya at pananatilihin ang mga ito ng nasa maayos na kondisyon,” dagdag ni Baunto.

Nagkaroon ng ribbon cutting at lagdaan ng certificate of turnover at acceptance bilang simbolo ng opisyal na pagkakaloob ng  proyekto ng DAR sa MARBC, na matatagpuan sa Barangay Colongulo ng nabanggit na bayan.

Nagpasalamat naman si MARBC Chairman Elviro Herbilla sa DAR sa patuloy na suportang ibinibigay nito sa kooperatiba.

“Nangangako po kaming aalagaan namin ng mabuti ang mga makinaryang ito at gagamitin ng tama base sa kanilang layunin,” aniya.

 

Read more...