MMDA, nag-deploy ng siyam na sasakyan para sa ‘Libreng Sakay’ sa Commonwealth, QC

Pinalakas pa ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang kanilang libreng sakay program sa Commonwealth, Quezon City.

Sinabi ng ahensya na layon nitong ma-accommodate ang mas marami pang commuter, lalo na ang mga estudyante, sa gitna ng face-to-face classes.

Ayon kay MMDA Acting Chairman Engineer Carlo Dimayuga III, pitong bus at dalawang military trucks ang bibiyahe mula Doña Carmen patungong Welcome Rotonda.

“The libreng sakay program in Commonwealth is expected to benefit 500 to 600 passengers per day and we are mulling to continue it until December this year,” pahayag nito.

Magsisimula ang libreng sakay bandang 6:00 hanggang 11:00 ng umaga at 1:00 ng hapon hanggang 6:00 ng gabi tuwing Lunes hanggang Biyernrs.

Nagpasalamat naman si Quezon City Mayor Joy Belmonte sa MMDA para sa naturang programa.

Malaki aniya ang maitutulong nito, lalo na sa mga estudyante, sa araw-araw na pag-commute.

“I am very happy that transportation agencies are working hand in hand with the local government in easing the burden of the commuting public,” saad ni Belmonte.

Samantala, pinangunahan ni Dimayuga ang distribusyon ng 2,000 health kits sa mga mag-aaral sa Batasan High School bilang bahagi ng inisyatibo ng MMDA sa pagbabalik-eskwela.

Bawat kit ay naglalaman ng vitamins, alcohol, face mask, thermometer, mouth wash, at paracetamol.

Read more...