Desisyon sa Barangay, SK elections postponement hiningi ng Comelec

SENATE PRIB PHOTO

Gusto ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia na sa pinakamadaling panahon ay makapagdesisyon na ang mga kinauukulan kung itutuloy o ipagpapaliban ang Barangay at Sangguniang Kabataan elections sa Disyembre.

Pagtitiyak naman nito na handa sila sakaling matuloy ang eleksyon na itinakda sa darating na Disyembre 5.

Sa pagharap ni Garcia sa Senate Committee on Electoral Reforms na pinamumunuan ni Sen. Imee Marcos, muling binanggit niya na lolobo ang gastos kapag ipinagpaliban ang eleksyon sa Mayo o Disyembre sa susunod na taon.

Ito aniya ay dahil sa karagdagang bayad sa mga magsisilbi sa Board of Election / Canvassing sa mga presinto, bukod pa sa mga karagdagang kagamitan at balota na gagamitin.

Milyong-milyon pa ang nadagdag sa mga rehistradong botante sa bansa dahil sa ikinasang voter’s registration noong nakaraang buwan.

Aabot sa P17 bilyon hanggang P18 bilyon ang gagastusin sakaling sa susunod na taon na gaganapin ang eleksyon, samantalang kung matutuloy sa Disyembre, sapat na ang inilaan na P8.5 bilyon.

May mga panukala sa dalawang Kapulungan ng Kongreso na ipagpaliban ang eleksyon.

Read more...