Dumagsa sa ibat-ibang tanggapan ng Department of Social Welfare and Development ang mga estudyanteng nangangailangan ng pinansyal na ayuda.
Ito ay matapos ianunsyo ni Social Welfare Secretary Erwin Tulfo na may matatanggap na ayuda ang mga mahihirap na estudyante.
Para sa mga indigent student na nasa elementary, makatatanggap sila ng P1,000 ayuda.
Nasa P2,000 naman ang ayudang matatanggap ng mga high school students habang nasa P3,000 ang mga nasa senior high school.
Nasa P4,000 ang matatanggap na ayuda ng mga estudyante na nasa kolehiyo.
Kailangan lamang ng mga estudyante na mag-presenta ng certificate of enrollment o registration at valid ID.
Kwalipikado sa ayuda ang mga estudyante na mahirap, bread winner, working student, ulila o inabandona ng mga magulang, anak ng solo parent at iba pa.
Ibibigay ang ayuda ngayong araw ng Sabado, Agosto 20 at sa mga susunod pang araw ng Sabado hanggang sa Setyembre 24.