Bilang ng mga Filipino na fully vaccinated vs. COVID-19, higit 72.3-M na

DOH Bicol CHD photo

Umabot na sa mahigit 72.3 milyon ang bilang ng mga Filipino na nakakuha ng una at ikalawang shot ng bakuna laban sa COVID-19.

Sa COVID-19 media forum, sinabi ni Department of Health (DOH) Officer-in-Charge Maria Rosario Vergeire na base ito sa naitalang datos hanggang sa araw ng Huwebes, Agosto 18.

Ani Vergeire, halos 6.8 milyong senior citizen ang fully-vaccinated na sa naturang sakit.

Kasabay ng nalalapit na pagbabalik ng klase, iniulat ni Vergeire na humigit 9.8 milyong kabataan at humigit-kumulang 4.5 milyong bata ang nakakumpleto na ng bakuna kontra COVID-19.

Sinabi ng DOH official na mahigit 17.3 milyong indibiduwal ang naturukan na ng unang booster shot, habang halos 1.9 milyon naman ang mayroon nang ikalawang booster dose.

Para sa ‘PinasLakas’ vaccination campaign, 21,073 A2 o senior citizens sa target na 10.7 milyon ang nabakunahan hanggang sa nasabing petsa.

Samantala, 1729,547 indibiduwal naman ang nabigyan ng unang booster shot mula sa target na 23 milyon.

Hinikayat ni Vergeire ang publiko na makiisa sa ‘PinasLakas’ vaccination drive ng pamahalaan upang maging COVID-free ang Pilipinas.

Read more...