Sinabi ng Philippine National Police (PNP) na kinakailangan ni United States Senator Edward Markey at ibang pang banyagang mambabatas ng permiso mula sa korte para madalaw nila sa kulungan si dating Senator Leila de Lima.
Si de Lima ay higit limang taon nang nakakulong sa PNP Custodial Center sa Camp Crame.
Ayon kay Police Brig. Gen. Augustus Alba, ang tagapagsalita ng PNP, nakahanda nilang tanggapin ang grupo ni Markey para masuri ang kondisyon sa PNP Custodial Center base sa mga polisiya sa naturang pasilidad.
Makakausap din aniya ng mga banyagang mambabatas ang dating senadora kung papayagan sila ng korte na dumidinig sa mga kaso nito.
Diin niya, kailangang istriktong sundin ang mga polisiya sa kanilang Custodial Center bunsod na rin ng pag-iingat sa COVID-19.
Ibinahagi niya na ilan sa mga nakakulong sa pasilidad ay positibo sa nakakamatay na sakit.
Una nang nagpahayag ng interes si Markey na dalawin sa kulungan si de Lima para malaman ang kalagayan nito.