May tatlo pang senador na nadagdag sa mga nagpositibo sa COVID-19.
Huwebes ng gabi, Agosto 18, inilabas ng opisina ni Senate Majority Leader Joel Villanueva ang RT-PCR test result nito at lumabas na positibo siya naturang sakit.
Ayon kay Villanueva, dapat may ‘out-of-town trip’ sila ng kanyang pamilya para iselebra ang birthday ng kanyang misis.
Sa kaparehong araw, sumailalim sa RT-PCR test si Senator JV Ejercito at lumabas sa resulta na nagpositibo rin siya sa COVID-19.
Aniya, wala naman siyang nararanasan ng anumang sintomas ng sakit.
Ayon naman kay Sen. Nancy Binay, nagpa-test din siya matapos makahalubilo si Villanueva at positibo rin ang resulta.
“Kahapon ako nag-positive. Nag-antigen test ako kagabi after hearing na positive sina Sen Joel (Villanueva) & Sen JV (Ejercito),” saad ni Binay.
Umaabot na sa pitong senador na tinamaan ng COVID-19 sa nakalipas na dalawang linggo.
Una si Sen. Alan Peter Cayetano, sinundan siya ni Sen. Imee Marcos, sumunod si Sen. Cynthia Villar at Sen. Grace Poe.
Nabatid na ikinukunsidera ni Senate President Juan Miguel Zubiri na i-lockdown ang Senate Building para sa disinfection.