Hiniling ni Senator Grace Poe sa gobyerno na pag-aralan at ikunsidera ang ‘hybrid work arrangements’ para sa pagpapasigla ng ekonomiya ng bansa.
Sa kanyang privilege speech sa Senado, ipinagtanggol ni Poe ang ‘hybrid work arrangements’ at sinabi na ito ay napapanahon at matagal na rin namang isinasagawa.
Hindi rin dapat aniya minamaliit ang naturang ideya dahil napatunayan na ang pagiging epektibo nito.
Binanggit niya ang kasalukuyang ‘awayan’ ng Fiscal Incentives Review Board (FIRB) at mga kompaniya na rehistrado sa Philippine Economic Zone Authority (PEZA).
Pinatutuldukan na ang ‘work from home arrangements’ sa PEZA-registered companies hanggang sa susunod na buwan upang hindi mabawi ang kanilang mga insentibo sa buwis.
“Nakita natin kung paanong ang labis na pakikialam ng gobyerno ay sumasakal sa pagbabago. Ang mabigat na patakaran ng FIRB ay patungo rito. Isa itong malinaw na halimbawa, kung saan ang pamahalaan ay ang problema sa halip na solusyon,” diin ni Poe.
Inihain ng namumuno sa Senate Committee on Economic Affairs ang Senate Resolution No. 125 para magkaroon ng pagdinig ukol sa RA 11165 o ang Telecommuting Act.
“Kinikilala ng batas ang mga teknolohiyang nagbukas ng mga bago at alternatibong pamamaraan sa pagtatrabaho ng mga empleyado gaya ng telecommuting at iba pang flexible work arrangements,” saad pa ni Poe.
Agad namang sinuportahan nina Senate President Pro Tempore Loren Legarda, Majority Leader Joel Villanueva at Sen. Jinggoy Estrada ang posisyon ni Poe.