1,588 motorista, nasita sa unang araw ng dry run sa pagpapatupad ng number coding scheme sa NCR

Nagsagawa ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng dry run sa pagpapatupad ng Expanded Unified Vehicular Volume Reduction Program (UVVRP) o number coding scheme sa Metro Manila simula sa araw ng Lunes, Agosto 15.

Pinaalalahanan lamang ang mga sinitang motorista tungkol sa bagong oras ng coding.

Epektibo ang coding mula 7:00 hanggang 10:00 ng umaga at 5:00 ng hapon hanggang 8:00 ng gabi tuwing Lunes hanggang Biyernes, maliban sa holidays.

Sa unang araw ng dry run, umabot sa 1,588 ang nasitang iba’t ibang unit sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila at No Contact Apprehension Office.

Simula sa Agosto 18, sisimulan na ang panghuhuli at paglalabas ng traffic violation ticket sa pamamagitan ng on-the-ground apprehension at ng No Contact Apprehension Policy.

Sa ilalim ng expanded number coding scheme, bawal bumiyahe ang mga sasakyan sa EDSA at mga pangunahing lansangan ng Metro Manila, batay sa huling digit ng license plates sa nasabing coding hours.

Pasok sa coding tuwing Lunes ang mga sasakyang may plakang nagtatapos sa 1 at 2, Martes ang 3 at 4, Miyerkules ang 5 at 6, Huwebes ang 7 at 8, at tuwing Biyernes naman ang 9 at 0.

Exempted naman sa coding ang mga pampublikong sasakyan, transport network vehicles services (TNVS), motorsiklo, truck ng basura, truck ng petrolyo, marked government vehicle, marked vehicle ng media, truck ng bumbero, ambulansya, at sasakyang may dalang mga perishable o essential goods.

Read more...