Nagkasundo ang mga senador na magpatawag ng pagdinig kaugnay sa mga kapalpakan at napakataas na singil ng electric cooperatives sa bansa.
Partikular pa na tinukoy ni Sen. Grace Poe ang dobleng singil ng electric cooperatives sa Mindanao at sa ibang bahagi ng bansa, na hindi hamak na mas mataas pa ang singil kumpara sa Metro Manila.
Dahil dito, ipapatawag sa Senado ang Energy Regulatory Commission (ERC) dahil ito ang nag-apruba ng singil na ipinapataw sa consumers gayundin sa power supply agreements na pinapasok ng mga distribution companies at generation companies.
Samantala, pinarerebisa naman ni Senate Minority Leader Koko Pimentel ang papel ng mga electric cooperatives kasunod na rin ng tumataas na singil sa Mindanao.
Nais alamin ni Pimentel kung bakit hindi epektibo ang konsepto ng pagkakaroon ng electric cooperatives para sa kapakanan ng mga consumers gayong ito ay binubuo dapat ng non-profit board of directors na kumakatawan dapat sa publiko.
Si Sen. Raffy Tulfo, namumuno sa Senate Energy Committee, inanunsiyo na magpapatawag siya ng pagdinig ukol sa mga reklamo at sumbong sa mga electric cooperatives.