DENR nagbabala sa paggamit ng palaka, isda kontra dengue

Binalaan ng Department of Environment and Natural Resources-Biodiversity Management Bureau (DENR-BMB) ang publiko sa pagpapakawala ng palaka at isda sa mga latian at ‘stagnant water’ para labanan ang dengue outbreak.

Ayon kay DENR-BMB Director Natividad Bernardino, maari kasing masira ang ecological balance.

Aniya, ang paglalagay ng palaka at isda ay hindi mabisang solusyon para mawala ang mga lamok na nagdadala ng sakit na dengue.

Paliwanag ng opisyal, may sariling ‘diet’ ang mga palaka at hindi kasama dito ang lamok.

Ibinahagi pa ng opisyal,  base sa pag-aaral noong 2016 ng biologist na si Jodi Rowley, epektibo ang palaka sa paglaban sa Zika virus.

Binigyang-diin nito na ang cane toad, na kilala rin sa tawag na Rhinella marina na pinakawalan ng ilang local government units upang labanan ang dengue, ay numero unong “invasive alien species” sa buong mundo.

“When introduced to a new environment, non-native species of frogs and fishes may become invasive and alter the biodiversity of the area,” pahayag ni Bernardino.

Pinayuhan din ng DENR ang publiko na panatilihing malinis ang kapaligiran, panatilihing dumadaloy ang tubig sa mga daluyan at gawing malusog ang freshwater ecosystems upang matanggal ang posibleng breeding grounds ng mga lamok.

Read more...