Nais ni Senator Jinggoy Estrada na magkaroon ng regular na suweldo ang mga driver at konduktor ng bus, samantalang tulong pangkabuhayan sa iba pang public utility vehicle (PUV) drivers.
Gusto ng senador na maging ganap na batas ang pagkakaroon ng regulasyon sa kompensasyon ng mga driver at konduktor ng mga pampasaherong bus sa pamamagitan ng ‘fixed salary’ at ‘fixed working hours.’
Sa ngayon, kumikita aniya ng P900 ang mga bus driver sa 12 oras na pamamasada ng tatlong beses sa isang araw at gusto ni Estrada na ibigay ang katulad na halaga sa walong oras na pagtatrabaho ng anim na araw sa isang linggo.
Sa ganitong paraan, dagdag ni Estrada, magkakaroon ng sapat na pahinga ang mga driver nang hindi nababawasan ang kanilang kinikita.
Wala ring dagdag na gagastusin ang mga bus operator sa ilalim ng inihain niyang Senate Bill 48 o ang Bus Drivers and Conductors Compensation Act.
Samantala, ang iba pang PUV drivers ay gusto ng senador na masakop ng Social Security System (SSS), PhilHealth, Pag-Ibig Fund at Employees Compensation Commission (ECC).
Bukod pa sa livelihood at credit assistance para sa dagdag kabuhayan ng kanilang pamilya.