Pagpapatayo ng mga Regional Bilibid, itinutulak ni Sen. Padilla

Gusto ni Senator Robin Padilla na magkaroon ng mala-Bilibid na kulungan sa 10 rehiyon sa bansa.

Katuwiran ni Padilla sa kanyang Senate Bill 235, isang paraan sa pagpapaluwag sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa City ang pagkakaroon ng katulad na pasilidad sa Regions 1, 2, 3, 5, 6, 8, 9, 10, 12 at 13.

Layon din aniya ng kanyang panukala na matiyak ang kapakanan ng mga person deprived of liberty (PDL) bilang paghahanda na rin sa pagbabalik nila sa lipunan.

Sa ngayon, pito lamang ang penitentiary institutions sa bansa; New Bilibid Prison sa Muntinlupa City, Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City, Iwahig Penal Colony sa Puerto Princesa City sa Palawan, San Ramon Prison and Penal Farm sa Zamboanga City, Sablayan Prison and Penal Farm sa Occidental Mindoro, Leyte Regional Prison, at Davao Prison and Penal Farm.

Puna ni Padilla, nagmimistulang pribilehiyo na lamang para sa mga pamilya ang madalaw ang kanilang mga nakakulong na mahal sa buhay.

Nakasaad sa panukalang batas na ang Bureau of Corrections (BuCor) ang pangangasiwa sa konstrukyon ng mga pasilidad, gayundin ang paglilipat ng mga preso.

Read more...