PAGASA, may binabantayang bagyo sa labas ng bansa

DOST-PAGASA satellite image

May isang tropical depression na binabantayan ang PAGASA sa labas ng Philippine Area of Responsbility (PAR).

Ayon kay PAGASA Weather Specialist Daniel James Villamil, naging ganap na bagyo ang sama ng panahon bandang 2:00, Miyerkules ng hapon (Agosto 3).

Huling namataan ang bagyo sa layong 455 kilometers Kanluran ng Itbayat, Batanes.

Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 45 kilometers per hour malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 55 kilometers per hour.

Kumikilos ang bagyo pa-Hilaga sa bilis na 10 kilometers per hour.

Sinabi ni Villamil na maaring mabago ang direksyon ng bagyo at tahakin ang direksyong Hilagang-Kanluran patungo sa Timog-Silangan regions ng China sa susunod na 24 oras.

Wala aniyang direktang epekto ang bagyo sa anumang parte ng Pilipinas.

Samantala, umiiral pa rin ang Southwest Monsoon o Habagat sa Kanlurang bahagi ng Luzon.

Bunsod nito, asahan aniyang magpapatuloy ang maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan, pagkidlat, at pagkulog sa malaking parte ng Cordillera Administrative Region (CAR), Ilocos Norte, Ilocos Sur, Batanes, at Cagayan.

Hindi naman inalis ni Villamil ang posibilidad na makaranas ng mahihinang pag-ulan sa Metro Manila at nalalabing parte ng bansa dulot ng localized thunderstorms.

Read more...