Inilabas na ng naulilang pamilya ng yumaong dating Pangulong Fidel V. Ramos ang detalye ng burol nito sa Heritage Park sa Taguig City simula sa Huwebes, Agosto 4.
Base sa inilabas na pahayag ng pamilya, nagtakda sila ng araw at oras para sa mga partikular na grupo na nais magtungo sa burol.
Ginawa nila aniya ito para maging maayos ang dating ng mga makikiramay at pag-iingat na rin alinsunod sa COVID-19 protocols.
Bandang 7:00, Huwebes ng umaga, hanggang 2:30 ng hapon, mga opisyal ng gobyerno ang maaring magtungo sa burol, sila ay susundan naman ng mga dating miyembro ng Gabinete ng yumaong pangulo.
Ganap na 5:00 ng hapon ay magseselebra ng Banal na Misa, na susundan ng tributes hanggang 8:00 ng gabi.
Sa Biyernes, mula 7:00 ng umaga hanggang 2:30 muli ng hapon ang mga maaring bumisita ay mga opisyal ng gobyerno, mga miyembro ng Diplomatic Corps, mga negosyante at mga miyembro ng civil society groups.
3:00 ng hapon hanggang 4:30 ng hapon, mga dating miyembro ng Malacañang Press Corps, DND Press Corps, at FOCAP ang maaring bumisita, bago muling magkakaroon ng Misa sa ganap na 5:00 ng hapon.
Sa Sabado, mga beterano, sundalo at ang nasa law enforcement ang makakadalaw, gayundin ang mga miyembro ng West Point Society.
Itinakda naman sa Rotary Club of Manila ang pagdalaw mula 3:00 hanggang 4:30 ng hapon.
Sa araw ng Linggo ang simula ng public viewing ay 7:00 ng umaga hanggang 2:30 ng hapon, bago ang pagdalaw ng ga m “Ex-Men,” Campaigners, dating OP executives, OPSOG, LAKAS founders, at close-in staff.
Sa Lunes, Agosto 8, ay muling magkakaroon ng public viewing hanggang 4:00 ng hapon.
Ang inurment ng mga abo ng ika-12 Pangulo ng bansa ay magaganap sa Libingan ng mga Bayani sa Martes, Agosto 9.