Moratorium sa student loan ipinanukala ni Sen. Lito Lapid

Photo credit: DepEd/Facebook

Naghain ng panukalang batas si Senator Lito Lapid na layong hindi muna pagbayarin ng kanilang student loan ang mga mag-aaral sa tuwing may kalamidad at iba pang uri ng emergency.

Sa kanyang Senate Bill No. 975, nais ni Lapid na magkaroon ng moratorium at maipagpaliban ang pagbabayad sa loan ng mga estudyante sa kolehiyo at technical-vocational education and training.

“Marami sa ating mga kababayan ang nawalan ng trabaho at pagkukuhanan ng kita dahil sa mga kalamidad gaya ng lindol, bagyo, at netong huli lang, dahil sa pandemya. Kaya sinusulong ko ang panukalang batas na ito upang mabawasan ang pasanin ng mga magulang na nagpapaaral ng kanilang mga anak sa mga pagkakataong tinamaan sila ng sakuna o pandemya,” aniya.

Paliwanag pa ng senador, ang kanyang panukala ay maituturing na isang uri na rin ng tulong pang-ekonomiya at proteksyon sa mga mahihirap.

“Layunin natin na pansamantalang mapagaan ang pasanin ng mga pamilyang nasalanta ng sakuna sa anumang pananagutan sa student loans, upang mas matuunan nila ang mas pangunahin at mahahalagang pang-araw-araw na gastusin,” dagdag pa ni Lapid.

Read more...