Isa nang ganap na batas ang panukalang itaas sa P1,000 mula sa P500 ang social pension ng mga indigent o mahihirap na senior citizen kada buwan.
Ibinahagi ni Senate Majority Leader Joel Villanueva ang kopya ng liham ng Palasyo ng Malakanyang upang ipagbigay-alam kay Senate President Juan Miguel Zubiri na nag-‘lapse into law’ ang nasabing panukala noong Hulyo 30.
Pirmado ni Executive Secretary Vic Rodriguez ang naturang liham mula sa Malakanyang.
Maliban sa pagtaas na buwanang social pension, nakasaad sa batas na magkakaroon ng opsyon para maiabot ang pensyon sa mga benepisyaryo.
Kung mayroon mang transaction fee, hindi ito iaawas sa benepisyaryo.
Matatandaang inaprubahan ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang panukala noong buwan ng Mayo.