Inatasan ni Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Director General Danilo Cruz ang kanilang field offices na tumulong sa mga lugar na labis na naapektuhan ng malakas na lindol na yumanig sa Hilagang Luzon noong Hulyo 27.
“All concerned Regional and Provincial Offices are directed to send immediate assistance through the ‘TESDAmayan’ Program,” banggit ni Cruz sa kanyang memorandum sa kanilang field offices in Regions I, II at Cordillera Administrative Region (CAR).
Ang ‘TESDAmayan’ ay programa ng ahensiya na layong tumulong sa mga komunidad na apektado ng krisis dulot ng kalamidad o pangyayari, na nagresulta sa paglikas ng mamamayan.
Kasama sa utos ni Cruz ang paggana ng kanilang Disaster/Regional Augmentation Team para matiyak na matutulungan ang mga apektadong lugar sa pamamagitan ng mga lokal na pamahalaan.
Inanunsiyo rin ng opisyal na nakahanda ang TESDA na magbigay ng training programs sa mga apektadong residente.
“Let us remember that technical and vocational education is not just acquiring skills and competencies. It is about improving the economic and social standing of the Filipinos including those who are recovering from the effects of natural calamities,” sabi nito.