‘KKK’ Cabinet, ipinagtanggol ni Duterte

 

Tarra Quismundo/Inquirer

Ipinagtanggol ni President-elect Rodrigo Duterte ang kaniyang mga napiling kasapi ng kaniyang Gabinete mula sa mga nagsasabing ang mga ito ay bersyon lamang niya ng kaniyang KKK o “kaibigan, kaklase, ka-probinsya.”

Paliwanag ni Duterte, ang isang miyembro ng Gabinete ay ‘alter-ego’ ng pangulo kaya mahalagang mapagkakatiwalaan niya ang mga ito at kumpyansa siyang makakatrabaho niya ito nang maayos.

Depensa niya pa, ang kaniyang sphere of comfort ay nasa Davao City, kaya maliit lang ang panggagalingan ng kaniyang mapagkakatiwalaang official family.

Wala naman aniya siyang selection committee at personal niyang pinili ang mga ito, pero tiniyak naman niya na may integridad ang kaniyang mga magiging tauhan.

Una nang dinumog ng puna at batikos si Duterte dahil sa umano’y pagpili niya sa mga miyembro ng Gabinete base sa pagtanaw niya ng utang na loob sa mga ito, pati na ang hindi pagbibigay ng pwesto kay Vice President-elect Leni Robredo.

Samantala, sinabi rin ni Duterte sa kaniyang kauna-unahang press conference bilang President-elect, na ipapatigil na niya sa Supreme Court ang pag-iissue ng temporary restraining order (TRO).

Giit ni Duterte, ang TRO ay nagsasanhi lang ng pagkaudlot ng growth at development, at pinagkakakitaan lang aniya ito ng ilang tiwaling mga mahistrado.

Katwiran ni Duterte, kapag nagbigay na siya ng go-signal, ibig sabihin wala siyang nakikitang anomalya, at ito ay alinsunod sa pagbibigay sa kaniya ng mga Pilipino ng kapangyarihan bilang sunod na pangulo ng bansa.

Read more...