Katiwalian at iresponsableng pamamahayag ang sinasabi ni President-elect Rodrigo Duterte na ugat ng pagpatay sa mga miyembro ng media.
Sa kaniyang press conference na isinagawa sa presidential guest house, ibinahagi ni Duterte na isang broadcaster rin sa Davao City ang napatay dahil umano sa mga hinihinalang iresponsable nitong paraan ng pagbabalita.
May ilang mga reporters kasi ani Duterte ang tumatanggap ng suhol para banatan o depensahan ang ilang pulitiko o opisyal ng pamahalaan, na kapag nasobrahan ay nagiging dahilan kung bakit sila pinapapatay.
Ayon pa kay Duterte, hindi ligtas ang mga mamamahayag sa pagpatay lalo na kung masama ang kaniyang ugali.
“It’s not because you’re a journalist you’re exempted from assassination if you’re a son of a bitch,” aniya.
Dagdag pa ni Duterte, hindi mapoprotektahan ng freedom of expression ang mga kawani ng media mula sa assassination kung sila ay tiwali at hindi maingat sa pagbabalita.
Hindi na rin aniya matutulungan ng Konstitusyon ang isang journalist lalo na kung binaboy na nito ang isang tao, at hindi siya matutulungan ng freedom of expression kung may ginawa siyang masama sa iba.
Iginiit naman ni National Union of Journalists in the Philippines chair Ryan Rosauro, hindi tama ang palabasin na ayos lang patayin ang isang mamamahayag kung ito ay sangkot sa kurapsyon.
Ayon pa kay Rosauro, walang pinipiling kaso ang extra judicial killing, maging may kaugnayan man ito sa media corruption o wala.
Idiniin rin ng NUJP na ang mga mamamahayag ay pinapatay dahil sa pagbubunyag nila ng mga katiwalian sa pamahalaan.