Isang “sacrifice sale” na itinuturing ni San Miguel Corp. (SMC) president Ramon S. Ang ang pagbenta niya sa kanilang telco business sa Globe Telecom at Philippine Long Distance Telephone Co. (PLDT).
Ayon kay Ang, inasahan na niyang maglulunsad ng “protracted legal battle” ang PLDT at Globe para mapabagal ang pagtatayo ng telco ng SMC, na siya ring magpapabagal sa pagbibigay ng mabilis at murang internet access sa mga mobile subscribers.
Noong Lunes lamang, biglang pumasok ang SMC sa kasunduan sa PLDT at Globe na nagkakahalaga ng P69.1 billion, dalawang buwan matapos mapurnada ang sana’y partnership nila ng Australian telco giant na Telstra.
Binili ng PLDT at Globe sa 50-50 arrangement ang radio frequencies ng SMC.
Ayon pa kay Ang, isa itong sakripisyo dahil ang proposed na P69.1 billion an presyo ng telco business ng SMC ay katumbas lamang ng ginastos ng SMC sa pagbili ng rights at contractual obligations para makuha ang frequency.
Pero paliwanag niya, kailangan itong gawin para sa wakas ay mapakinabangan na ang high quality at mabilis na mobile broadband, at mabigyan ang mga consumers ng access dito sa pamamagitan ng dalawang nasabing carriers.
Sinabi na rin nina PLDT chair at CEO Manuel V. Pangilinan at Globe CEO Ernest Cu na mas gaganda na ang kanilang internet services sa susunod na tatlo hanggang anim na buwan.
Gayunman, hindi naman nila tiniyak kung bababa ang presyo dahil abot-kaya naman na anila kung tutuusin ang presyo ngayon.