Tumaas ang COVID-19 positivity rate ng National Capital Region (NCR) sa 14.5 porsyento, ayon sa OCTA Research.
Sa kaniyang tweet, sinabi ni OCTA Research fellow Dr. Guido David na base ito sa datos hanggang Hulyo 28.
Nasa 7.80 naman ang average daily attack rate (ADAR) sa Metro Manila, habang 1.28 ang reproduction number.
Tumaas din ang healthcare utilization rate (HCUR) sa NCR sa 36.9 porsyento na may 2,180 bed na okupado.
Sinabi pa ni David na higit 20 porsyento na ang positivity rate ng nakahahawang sakit sa Cagayan, Isabela, Cavite, Laguna, Nueva Ecija, Pampanga, Tarlac, Aklan, Antique, at Capiz.
Nangunguna rito ang Capiz (48.8 porsyento), sumunod ang Aklan at Tarlac (33.1 porsyento), Isabela (31.7 porsyento), Laguna (30.6 porsyento), Cavite (26.5 porsyento), Antique at Pampanga (25.2 porsyento), Nueva Ecija (23.4 porsyento), at Cagayan (20.9 porsyento).
Matatandaang 3,858 ang naitalang bagong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas noong Huwebes, Hulyo 28.