Sa isang media forum, sinabi ni DOH OIC-Undersecretary of Public Health Services Team Beverly Ho na sa kabila ng ito ng naitatalang pagtaas ng mga kaso ng nakahahawang sakit sa bansa.
“Nationally, nanatili pa rin tayong nasa low risk classification na meron pong daily average attack rate na 2.33 cases per 100,000 population,” saad nito.
Lahat aniya ng rehiyon sa bansa ay nananatili sa low-risk classification.
“Lahat ng rehiyon ay nanatiling nasa low risk classification, pero may seven tayong rehiyon na nakapagtala ng average daily attack rates (ADAR) na at least ranging from 1.45 to 3.96 cases per 100,000 population,” ani Ho.
Dagdag pa nito, mula sa dating 12.5 porsyento, tumaas ang COVID-19 positivity rate sa bansa sa 14.8 porsyento ngayong linggo. Katulad aniya ito ng mga naitalang rate noong buwan ng Pebrero.
“Bagama’t po nakapagpakita tayo ng unti-unting pagtataas [ng COVID-19 cases], nananatiling mas mababa sa 1,000 cases mula mid-March ang ating mga severe at critical admissions. Inuulit namin, ‘yung pagtaas ng kaso, hindi sinasabayan ng admissions natin,” paliwanag ni Ho.
Base aniya sa datos hanggang Hulyo 26, 734 cases o 8.32 porsyento ng kabuuang total admission ang maituturing na severe at critical.
“Nanatiling asymptomatic po ang nasa 16.49 percent ng total admissions at mild na nasa 40.97 percent ang karamihan ng ating mga naospital na kababayan,” saad nito.
Kahit patuloy ang pagtaas ng mga kaso ng nakahahawang sakit simula noong kalagitnaan ng Mayo, sinabi ni Ho na mababa ang national admission.
Ngunit pahayag nito, “Nakakakita tayo ng may mabagal na pagtaas over the recent week. The total COVID-19 admissions showed an increase of about 12 percent or 757.”
Pagdating naman sa ICU utilization rate, 21 porsyento ang naitala sa bansa.
Patuloy namang hinihikayat ang publiko na makiisa sa booster shot drive ng DOH na “PinasLakas” upang magkaroon ng dagdag-proteksyon pangontra sa COVID-19.