Sa halip na hanggang Hulyo 30, 2022 lamang, maaring manatili sa kani-kanilang tanggapan ang mga OIC ng hanggang Disyembre 31, 2022.
Base sa Memorandum Circular Number 3 na nilagdaan ni Executive Secretary Vic Rodriguez noong Hulyo 27, 2022, inaamyendahan nito ang Memorandum Circular Number 1 na hanggang Hulyo 30 lamang ang pananatili ng mga OIC sa mga departmento, ahensya, bureau at offices, maging ang mga nasa non-career executive office.
Ito ay para masiguro na magtuluy-tuloy ang serbisyo-publiko.
Nakasaad pa sa bagong memo na walang mga bagong kontrata, proyekto o pagpapalabas ng malalaking pondo ang dapat na ipalabas at hindi rin pwedeng pumasok sa bagong kontrata o proyekto ang government-owned-and-controlled corporations, government instrumentalities na may corporate powers, government corporate entities, at government financial institutions hangga’t walang bagong sets ng directors ang itinatalaga at ang chief executive officers ay nahalal sa ilalim ng kani kanilang charters, articles of incorporation at by laws ng alinpamang departamento, kagawaran o tanggapan hangga’t wala pa ang bagong opisyal na itinalaga ng Pangulo.
Ipinagbabawal din ang pagpasok sa bagong kontrata at proyekto ng mga free port at special economic zone authorities hanggang wala rin silang mga bagong itinalagang mga opisyal.