Halos 13,000 indibiduwal ang apektado ng malakas na lindol na tumama sa Hilagang Luzon noong Miyerkules ng umaga (Hulyo 27), ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Sa inilabas na update ng NDRRMC hanggang Huwebes ng umaga, Hulyo 28, kabuuang 12,945 katao mula sa 3,456 pamilya sa Cordillera Administrative Region (CAR) ang naapektuhan ng lindol na tumama sa Abra.
Sa bilang, 541 pamilya ang kinailangang lumikas at manatili sa evacuation centers at makituloy sa bahay ng mga kaanak o kaibigan.
May 868 bahay ang napinsala at 11 ang nawasak, samantalang may 19 kalsada sa nabanggit na rehiyon ang hindi pa maaring madaanan ng kahit anong uri ng sasakyan.
Kaugnay nito, iniulat ng Department of Education (DepEd) na 35 eskuwelahan sa CAR, Ilocos Region, Cagayan Valley Region at Central Luzon Region ang napinsala ng lindol at tinataya na aabot sa P228.5 milyon ang gagastusin para sa pagsasaayos at rehabilitasyon.