Marcos: “Wala na tayong gagawing lockdown”

Screengrab from RTVM FB live stream

“Wala na tayong gagawing lockdown.”

Ito ang naging anunsiyo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ukol sa magiging hakbang ng kaniyang administrasyon para sa sektor ng kalusugan sa bansa.

Sa kaniyang unang State of the Nation Address (SONA) sa Batasang Pambansa, sinabi ng Pangulo na hindi na kakayanin ng bansa ang pagpapatupad ng isa pang lockdown.

“Sa ating sitwasyon ng pangkalusugan, nandiyan pa rin ang banta ng COVID-19, lalo’t may mga nadididskubre bagong variant ng Coronavirus. Pero hindi na natin kakayanin ang isa pang lockdown. Wala na tayong gagawing lockdown,” saad nito.

Dapat aniyang balansehin ang kalusugan at kapakanan ng mga mamamayang Filipino.

Nakikipagtulungan aniya ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno sa pagtutok sa COVID-19 hospital admission para masigurong may sapat na kapasidad ang healthcare system.

Magpapatuloy din aniya ang COVID-19 vaccination at booster rollout upang magkaroon ng depensa sa nakahahawang sakit.

“Sa ganitong paraan, kahit pa tumaas muli ang bilang ng COVID cases, mananatiling mababa ang bilang ng mga maoospital at bilang ng mga namamatay. Sa pamamagitan nito, unti-unti rin tayong masasanay na nariyan ang virus pero hindi na seryoso ang banta sa ating buhay,” ani Marcos.

Aniya pa, “Iaayon natin ating mga health protocols sa kung ano ang ating pangangailangan sa paglipas ng panahon. At lalo pang pag-iibayuhin ang kooperasyon, kasama ang pribadong sektor, upang tumaas pa ang kumpiyansa ng mga mamumuhunan nang sa gayon ay bumalik na tayo sa full capacity, lalong-lalo na ang ating mga negosyo.”

Samantala, pagbubutihin din aniya ang pagpapakalat ng impormasyon ukol sa COVID-19, kasama ang kahalagahan ng pagbabakuna.

Sinabi rin ng Pangulo na mananatili muna ang pagpapatupad ng Alert Level system sa bansa.

Giit nito, “Pinag-aaralan natin ang ibang paraan ng klasipikasyon upang mas mabagay sa kasalukuyang sitwasyon, lalong-lalo na sa pagbabago ng COVID-19.”

Read more...